Si Angalo ay isang higanteng mahal ng mga tao sa kanilang nayon sapagkat siya'y mabait at matulungin. Isang araw, ang mga tao ay sumakay sa mga bangka at nagtungo sa kabilang ibayo ng dagat upang bumili ng asin. Pabalik na sila sa dalampasigan nang masalubong nila si Angalo. Itinanong ng higante kung saan sila nanggaling at ano ang kanilang mga dala. Sinabi ng mga tao na bumili sila ng asin.
Iminungkahi ni Angalo na huwag na silang magsisakay sa mgha bangka at nang mapadali sila sa pag-uwi. Hihiga raw siya sa dagat at gawing tulay ng mga tao ang isa niyang binti. Tuwang-tuwang sumang-ayon ang mga naroon. Humiga na ang higante sa dagat at nagsitulay na sa kanyang binti ang mga tao. Nang nasa gitna na ng dagat ang mga tao ay kinagat ng mga langgam ang talampakan ni Angalo. Makating-makati na at masaki na masakit ang mga kinagat ng mga langgam kaya pinagsabihan ng higante ang mga tao na magmadali at hindi na niya matiis ang nararamdaman niyang pangangati.
Nagmadali ang mga tao ngunit sila'y nasa kalagitnaan pa lamang ng binti ni Anggalo. Hindi na natiis ni Angalo ang masidhing pangangati ng kanyang talampakan. Kumilos siya upang kamutin iyon kaya't nahulog sa dagat ang mga tao, dala-dala ang binili nilang asin. Natunaw ang mga asin nang mahulog sa dagat kaya't iyon ang dahilan kung bakit naging maalat ang dagat.
No comments:
Post a Comment